Maikling Panalangin
Salamat oh Diyos sa sandaling ito ng pagbabahagi ng espirituwal na kaalaman, nawa’y biyayaan Mo kaming lahat ng pang-unawa at karunungan sa gawaing ito, sa makapangyarihang pangalan ng Panginoong Jesus ang aming dalangin, Amen.
Pagbabasa ng Bibliya: Mateo 13:1-23 (RTPV05)

Sinasabi sa atin ng mga talata 3-8 ang tungkol sa manghahasik (magsasaka) na lumabas upang maghasik ng kanyang binhi, na naglalarawan ng apat na uri ng kapaligiran kung saan nahulog ang binhi. (Una) “May mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.” (Ikalawa) “May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa’y mababaw ang ugat.” (Ikatlo) “May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon.” (Ikaapat) “Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Tulad ng mga alagad na nakikinig sa Panginoong Jesus, maaari din nating itanong: bakit ang ilang mga aral sa Bibliya ay isinulat bilang mga talinghaga? Sinasabi ng talata 11 “Sumagot siya, ‘Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila.’”. Kaya nga, ang pagkakaunawa sa mga bagay na ito ay isang biyaya mula sa Diyos, hindi dulot ng ating sariling pagsisikap o karunungan. Bilang karagdagan, maaari nating itanong: bakit sinasabi sa talata 11 na “hiwaga tungkol sa kaharian ng langit“. Ito ay dahil walang sinuman ang makalalapit sa Ama maliban sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, gaya ng Kanyang sinabi “…Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay…” [Juan 14:6 (RTPV05)]. Sapagkat sinasabi ng maraming talata sa Bibliya: “Makinig ang may pandinig“.
Ipinaliwanag sa mga talata 19-23 kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga ng manghahasik: (Una) “Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.” (Ikalawa) “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap, ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.” (Ikatlo) “Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon.” (Ikaapat) “At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya’t ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”, kaya nagbubunga ng “mga bunga ng espiritu” [Galacia 5:22-23 (RTPV05)].
Karagdang Kaalaman
Sa pagkatuto tungkol sa mga bagay na ito, ano ang dapat nating gawin kapag narinig natin ang mensahe (Salita ng Diyos)? Gaya ng itinuro sa atin ng Panginoong Jesucristo sa talinghagang ito:
- Dapat nating tanggapin ito ng buong puso, upang walang sinuman ang madaling makapag-alis nito sa atin;
- Dapat nating palakasin ito, pag-aralan ang Bibliya nang higit pa, at hayaan ang Banal na Espiritu na magbigay sa atin ng banal na pahayag;
- Dapat nating isagawa ang anumang natutunan natin sakali mang ang pagsubok ay dumating nang mas maaga kaysa sa inaasahan natin; at
- Pagsamahin ang lahat ng mga ito (tanggapin ng buong puso, palakasin at isagawa ang mga espirituwal na kaalaman) at magagawa nating magbunga sa espiritu.
Ang aral na ito ay parehong tumutukoy sa mga unang beses na nakarinig ng salita ng Diyos at kung paano nila tinanggap ang mensahe sa iba’t ibang paraan, at sa mga taong itinuturing na mga mananampalataya na, na higit pang pinapalalim ang diwa ng bawat mensahe/aral na kanilang natatanggap mula sa Diyos. Kailangang ito ay patuloy nating gawin upang palakasin ang ating pananampalataya. Tulad ng nasusulat na ang “…pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.” [Roma 10:17 (RTPV05)]. Ipinapakita rin nito sa atin kung paanong tayo, na maituturing din na manghahasik, ay may katungkulan na ibahagi ang salita ng Diyos; at ang Diyos lamang ang nakakaalam kung sino ang maaabot ng salitang ito at kung paano nila ito tatanggapin. “…ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” [1 Samuel 16:7 (RTPV05)].
Purihin ang Diyos sa pagkabasa ng Kanyang salita, at pagpalain tayong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, Amen.

Leave a comment