Maikling Panalangin
Salamat oh Diyos sa sandaling ito ng pagbabahagi ng espirituwal na kaalaman, nawa’y biyayaan Mo kaming lahat ng pang-unawa at karunungan sa gawaing ito, sa makapangyarihang pangalan ng Panginoong Jesus ang aming dalangin, Amen.
Pagbabasa ng Bibliya: Mga Awit 90:10-12 (RTPV05)

“10. Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taóng singkad, minsan nama’y walumpu, kung kami’y malakas; ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa’t hirap, pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag. 11. Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok? Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot? 12. Dahil itong buhay nami’y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.”
Karagdang Kaalaman
Noong unang panahon, ang tao ay nilikha ng Diyos na nagtataglay ng mahabang buhay; halimbawa: si Matusalem na nabuhay nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak, at namatay sa gulang na 969 na taon. [Genesis 5:26-27 (RTPV05)]. Pagkatapos, ang haba ng buhay ng tao ay binawasan ng Diyos, hindi na lalampas sa 120 taon [Genesis 6:3 (RTPV05)]. Sa panahon ngayon, ayon sa mga pag-aaral ng United Nations [1], ang karaniwang haba ng buhay ng tao ay nasa 78-79 taon na lamang. Ngayong nalaman natin kung gaano kaikli ang ating panahon sa mundong ito, normal lamang na mag-alala tayo sa ating kinabukasan, sa kinabukasan ng ating mga anak, ng ating pamilya at mga mahal sa buhay; ngunit tinuturuan tayo ng Diyos na magkaroon ng pananampalataya at ipaubaya ang ating mga alalahanin sa Kanya. “Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.” [Mateo 6:34 (RTPV05)]. Sa pag-iisip natin sa ating mga anak, ang nakababatang henerasyon, paano sila kapag tayo ay lumisan? Bilang mga magulang o nakatatanda, mayroon tayong katungkulan na “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.” [Kawikaan 22:6 (RTPV05)].
Ang mga katagang “itong buhay nami’y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin” ay isang panalangin ng paghingi ng patnubay sa Diyos upang mapagnilay-nilayan natin kung gaano kaigsi ang buhay natin sa mundong ito na dapat nating gamitin sa hustong paraan upang “magkaroon ng pusong may karunungan”. Ang karunungan ay mahalaga sapagkat ang mga pinipili nating gawin sa maikling pananatili natin sa mundong ito ay may kahihinatnan na pang walang hanggan. Tandaan natin: “Sapagkat lahat tayo’y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo’y nabubuhay pa sa daigdig na ito.” [2 Corinto 5:10 (RTPV05)]. Kaya’t dapat tayong maging mapagpasalamat sa Diyos sa bawat taon na nadadagdag sa ating buhay bilang Kanyang kaloob sa atin; at patuloy na suriin ang ating mga sarili kung ang ating espirituwal na pamumuhay ay umuunlad na may buong pananampalataya sa Kanya. Naisasabuhay ba natin ang mga aral ng Diyos? May mga kahinaan pa ba sa atin na kailangan nating mapagtagumpayan? Gabayan nawa tayo sa ating pagsusuri sa sarili ayon sa sinasabi ng Bibliya: “…At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo.“. [1 Tesalonica 5:23 (RTPV05)]
Ipinaliwanag din ng Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng isang talinghaga, kung ano ang mangyayari kapag hindi natin itinanim sa isipan kung gaano kaikli ng ating buhay. Ang Parabula ng Mayamang Hangal [Lucas 12:13-21 (NIV)] ay tungkol sa isang tao na gumugol ng lahat ng kanyang oras sa pagsisikap na magkaroon ng mga ari-arian sa lupa. Inakala niya na may panahon pa siya upang tamasahin ang mga bagay na kaniyang pinaghirapan, “ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?”. Kung naunawaan lang sana ng taong ito ang kaigsian ng buhay, hinangad niya sanang gawin ang mga bagay na lubhang mahalaga at pang walang hanggan. Matututunan natin sa talinghagang ito na walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung ilang araw ang ipagkakaloob sa atin, kaya naman hindi natin dapat sayangin ang mga ito sa mga gawaing walang tunay na halaga. Ang panahon ay parang salapi, binibilang natin ito mula libo hanggang sentimo. Mayroon tayong espirituwal na bangko at bangko na pang-lupa, ang pagpapasya kung alin dito ang mas pagyayamanin natin ay napakahalaga. Kaya naman, maging maingat tayo na huwag punuin ang ating buhay ng mga makamundong pagnanasa o ibuhos man ang ating oras at atensyon sa mga bagay na hindi sa Diyos. “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa” [Colosas 3:2 (RTPV05)]. Tandaan natin ito sa bawat pagkakataong pipili tayo kung saan natin gugugulin ang ating oras. Sapagkat anumang ating gagawin ay tumatagal ng kaunting minuto lamang sa simula na nagiging oras at araw hanggang sa hindi na natin namamalayan na nauubos na ang ating panahon sa mga bagay na nakakasanayan na pala nating gawin na maaaring maka-agaw ng ating pansin mula sa Diyos.
Upang higit pa nating matutunan ang tungkol sa kapakinabangan at kahalagahan ng karunungan, at kung paanong ito ang Daan ng Walang Kapintasan, maglaan tayo ng panahon upang basahin at pagnilayan ang aklat ng Kawikaan kabanata 2 hanggang 4. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ng matinding pagnanais na nakatuon sa pagkakaroon ng espirituwal na karunungan.
Purihin ang Diyos sa pagkabasa ng Kanyang salita, at pagpalain tayong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, Amen.
[1] https://data.un.org/Data.aspx?d=PopDiv&f=variableID%3A68

Leave a comment